-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pinag-aaralan pa umanong mabuti ng kasalukuyang administrasyon at ng Department of Education (DepEd) ang pagkalahatang epekto ng dagdag-sahod sa mga guro sa bansa kaya wala pa umanong assurance o pagtitiyak na maibibigay ang ahensya hinggil sa nasabing kahilingan ng ilang mga grupo.

Ito ay makaraang magprotesta ang ilang grupo kasabay ng pagbubukas ng klase nitong Lunes upang maitaas ang sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Deped Usec. Jesus Mateo, hindi umano usapin lamang ng DepEd ang nasabing isyu kundi kasama na rin dito ang administrasyon, partikular na ang mga economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sila umano ang tutulong sa kanilang mag-isip kung saan kukunin ang pondong gagamitin para sa dagdag-sahod ng mga guro.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Mateo na kasalukuyan ng pinag-aaralan ang nasabing isyu dahil prayoridad naman ito ng kasalukuyang administrasyon.

Maliban pa dito, hindi naman matiyak ng opisyal kung magkano ang kakailanganing pondo sakaling mapagbigyan ang dagdag-sahod sa mga guro sa buong bansa.