-- Advertisements --
DepEd
DepEd FB photo

VIGAN CITY – Ipinagmalaki ng Department of Education (DepEd) na mas maganda umano ang kalagayan ng mga estudyante ngayon sa mga pampublikong paaralan kung ikukumpara sa mga nakalipas na school year.

Ito ay sa kabila ng kaliwa’t kanang mga reklamo hinggil sa kakulangan sa classroom, pati na mga faculty room.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni DepEd Usec. Jesus Mateo, base sa kanilang assessment ay mas “improved” umano ang sitwasyon ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan ngayong school year 2019-2020 dahil marami naman umanong development na ipinatupad ang ahensya.

Ayon kay Mateo, kung mayroon man umanong lapses o pagkukulang ang DepEd sa paningin ng publiko, pinagsisikapan naman umano nilang trabahuing maigi ang mga ito upang matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante sa loob ng mga paaralan sa bansa.

Idinagdag pa nito na pinag-iisipan na rin nila ang pagtatayo ng mga administration building sa mga malalaking paaralan upang matugunan ang pangangailangan sa classroom, pati na mga faculty room nang sa gayon ay mayroong sariling opisina ang mga guro.