-- Advertisements --

Papalo sa halos 9-milyong mga magulang ang may gusto sa modular instruction bilang alternatibong learning modality para sa kanilang mga anak para sa darating na pasukan sa Agosto 24.

Batay sa resulta ng mga nakalap ng Department of Education (DepEd) na datos mula sa Learner Enrollment and Survey Form (LESF) survey, lumabas na nasa 8.8-milyon na magulang ang pabor sa paggamit ng mga module.

Sa ilalim nito, maglilimbag ang DepEd ng mga modules na ipapamahagi ng mga guro sa kanilang mga estudyante para malimitahan ang kanilang interaksyon sa isa’t isa sa harap ng krisis sa coronavirus.

Nasa 3.9-milyon naman ang may gusto sa blended learning, o kombinasyon ng iba’t ibang mga learning modalities.

Habang nasa 3.8-milyon na mga magulang naman ang pabor sa online learning; 1.4-milyon para sa Educational TV; 900,000 para sa radyo; at kalahating milyon ang may gusto sa iba pang modalities.

“Ang mga datos at impormasyon ay ginamit ng bawat regional at schools division office, at mga paaralan sa pagdisenyo ng kanilang sariling learning continuity plan partikular sa pagpili ng ipatutupad na learning modalities,” saad ng DepEd sa isang pahayag.

“Ang mga datos ay ginamit rin upang tukuyin ang budget requirements para sa LCP lalo na sa paggawa ng learning resources.”

Samantala, ipinakita rin ng survey na may kabuuang 395,743 na mag-aaral ang lumipat mula pribadong paaralan at state and local colleges and universities patungong pampublikong paaralan.

Sa kabilang dako, sa pinakahuling datos ng kagawaran, umabot na sa 22.3-milyong mga estudyante ang nag-enroll na sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.

Ang naturang bilang ay 80.4% ng enrollment turnout noong nakalipas na taon.

Nasa 20.95-million na ang mga nagpatala sa mga public schools, habang nasa 1.37 million naman sa mga private schools.