Kinalampag ng grupo ng mga guro na Teachers’ Dignity Coalition ang Department of Education (DepEd) na magpatupad ng mga remedyo kasunod ng napakababang attendance ng mga estudyante matapos ang holiday break.
Sa kabila kasi ng mga panawagan ng mga guro, mag-aaral at magulang na iusog ang pagbabalik ng klase sa araw ng Lunes, Enero 6, itinuloy pa rin ng DepEd ang pagpapatuloy ng klase nitong Huwebes, Enero 2, 2025. Bagamat nauunawaan umano ng grupo ang dahilan ng DepEd dito sapagkat ang SY 2024-2025 ay transition year upang maibalik ang old school calendar o ang June to March cycle, mahalaga pa rin aniyang ma-rationalize ito.
Sa isang statement, ibinahagi ng grupo ang mga larawan ng mga classroom na kakaunti ang mga mag-aaral kung saan base sa ulat na natanggap ng grupo umabot lamang sa 50% ang attendance habang ang ilan isa, dalawa o tatlo lamang ang pumasok o kaya naman ay wala talagang mga estudyante kasabay ng pagbabalik ng mga klase nitong Huwebes, Enero 2.
Inihayag din ng koalisyon na base sa kanilang karanasan mas pinipili kasi ng mga bata at magulang na hindi muna pumasok pagkatapos ng pagdiriwang ng Bagong taon lalo na kung ipit ang araw. Kayat marami aniya sa mga mag-aaral ang pumapasok na lamang sa susunod na Lunes kayat ang resulta halos mauuwi sa wala ang pagdaraos ng klase sa nalalabing school days ngayong linggo na Enero 2 at 3.
Para maiwasan aniya ang ganitong sitwasyon sa mga susunod na taon, nanawagan ang grupo ng mga guro sa DepEd na magtalaga muli ng mga buffer days sa mga darating na school year gayundin ang pagkakaroon ng academic health break hindi lamang para sa mga mag-aaral kundi maging sa mga guro.