-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Department of Education (DepEd) ang paglikha ng isang tanggapan na tututok sa pribadong edukasyon at mga komite na layong labanan ang katiwalian sa loob ng ahensya.

Sinabi ng DepEd na itatatag nito ang Private Education Office (PEO), na nakatalagang “manguna sa lahat ng usapin na may kinalaman sa pribadong edukasyon.”

Sa ilalim ng Konstitusyon ng 1987, kinikilala ng estado ang “mga pantulong na tungkulin ng pampubliko at pribadong institusyon sa sistema ng edukasyon.”

Sa kautusang nilagdaan ni Secretary Leonor Briones, binanggit ng DepEd na sa mga nakalipas na taon, “walang nakatalagang yunit o tauhan na pangunahing tutulong sa DepEd Secretary sa pagtiyak na natutupad ang mandato ng DepEd kaugnay ng pribadong edukasyon. “

Kabilang sa mga bagong tungkulin ng PEO ay ang pagrepaso at pagbuo ng mga patakaran at pamantayan kaugnay ng pangangasiwa ng DepEd sa mga pribadong institusyon ng edukasyon, ayon sa kautusan.

Ang PEO ay ilalagay sa DepEd Central Office sa Pasig.

Daan-daang pribadong paaralan sa buong bansa ang nagsuspinde ng mga operasyon sa unang taon ng pandemya ng COVID-19 matapos makita ang mas mababang bilang ng enrollment, pangunahin dahil sa epekto ng krisis sa kalusugan sa income ng mga pamilya.

Sa hiwalay na kautusan, sinabi ng DepEd na lilikha din ito ng mga anti-corruption committee (ACC) sa kanilang central, regional, at schools division offices.

Lalabanan ng mga ACC ang graft and corruption sa pamamagitan ng “mga patakaran, programa at mga kampanyang adbokasiya, at sisiguraduhin na mananagot ang mga maling opisyal at empleyado.”

Ire-refer ng mga regional committee ang mga reklamo sa graft at corruption laban sa lahat ng tauhan sa mga awtoridad na nagdidisiplina.

Susubaybayan at ire-report din nila sa DepEd Central Office ang mga kaso at imbestigasyon na may kinalaman sa korapsyon.