Ang Department of Education (DepEd) na ang siyang magbibigay ng safety seal para sa lahat ng mga paaralan na sumusunod sa kanilang mga ipinatutupad na alituntunin sa pagdaraos ng mga face-to-face classes.
Sinabi ni DepEd Assistance Secretary Malcolm Garma, lahat ng mga paaralan na makakapasa sa safety assessment tool ng kagawaran ay mapapahintulutang makatanggap ng safety seal.
Aniya, sa ngayon ay tinatapos pa ng ahensya ang mga guidelines ukol dito sa ilalim ng joint memorandum circular ng DepEd at Department of Health (DOH) dahil nagsagawa daw sila ng ilang adjustment sa ilang mga rules at regulation nito para pa rin sa pagtugon sa kasalukuyang sitwasyon at in-person classes sa bansa.
Binanggit din ng opisyal na ang draft nito ay naisumite na at hinihintay na lamang mapirmahan ng mga kalihim ng dalawang kagawaran.
Samantala, ipinahayag din ni Garma na inaasahan pa ng DepEd na mas maraming pang mga paaralan ang makikiisa sa naturang limitadong face-to-face classes dahil aniya nagtakda pa raw ng mas maluwag na safety assessment tool ang DepEd na ilalabas naman sa susunod na linggo.