Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na maaari na umanong i-enroll ng mga magulang ang kanilang mga anak sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng mga drop boxes na matatagpuan sa mga barangay hall at educational institutions simula Hunyo 16.
“We will continue to conduct remote enrollment while we will open the drop box system of enrollment, which will be ready starting tomorrow,” saad ng DepEd sa isang pahayag.
“These drop box/kiosks, which could be found in barangay halls or schools, will be set-up only for picking up and dropping off the Learner Enrollment Survey Form,” dagdag nito.
Ang Learner Enrollment Survey Form (LESF) ay isang instrumentong gagamitin para itala ang mga mag-aaral para sa nalalapit na school year at makalikom ng impormasyon sa kakayahan ng bata ukol sa iba’t ibang learning modes.
Pero nagbigay ng paalala ng DepEd sa publiko na sundin ang mga sumusunod na panuntunan bago magtungo sa mga drop box kiosks:
- Tanging mga magulang na walang access sa remote na pamamaraan, tulad ng text, tawag, at social media, para makipag-ugnayan sa eskwelahan ngunit nais nilang i-enroll ang kanilang anak ang makakagamit sa mga drop box kiosks.
- Isang nakatatanda lamang sa kada tahanan na may quarantine pass ang papayagang makapunta sa mga kiosks.
- Ang mga magulang at guardian na mangangailangan ng assistance ay pinapayuhang sumangguni sa kani-kanilang mga barangay officials kaugnay sa gagawing transaksyon.
- Ang mga magulang at guardian ay dapat pamilyar sa abiso ng mga paaralan o barangay sa itinalagang mga pick up at submission points bago lumabas.
Sinabi pa ng kagawaran, inatasan na rin ang mga paaralan na makipag-ugnayan sa mga barangay officials kaugnay sa pamamahagi at pagkuha ng mga LESF.
Maglalagay din aniya sila ng markings at signage sa mga enrollment kiosks upang tiyakin na masusunod ang health standards habang bibigyan ng face masks at disinfectants ang mga guro at mga kawaning mangangasiwa sa registration.
Matatandaang taliwas sa nakagisnan, remote enrollment ang ipinatutupad ngayon sa mga eskwelahan bilang pag-iingat sa coronavirus pandemic.
Sa pinakahuling datos mula sa DepEd, nasa 10.6-milyong mag-aaral na ang nagpatala sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.