Opisyal ng naglabas ang Department of Education (DepEd) ng enrollment guidelines para sa nalalapit na pagsisimula ng school year 2021-2022 sa gitna pa rin ng nararanasang COVID-19 pandemic sa bansa.
Sa bisa ng DepEd Order No. 32 series of 2021 na pirmado ni Education Sec. Leonor Briones nakapaloob ang bagong guidelines na layuning mabigyan ng options ang mga paaralan sa buong bansa na magpatupad ng “enhanced ” enrollment process alinsunod sa guidelines na itinakda ng IATF at ng DOH.
Ipinaliwang ng kalihim na ang naturang enhanced enrollment guidelines ay magiging gabay ng mga magulang, legal guardians at mga guro para sa enrollment ng mga estudyante para sa pagbubukas ng partikular na school year.
Nakasaad sa bagong guidelines na dapat ay remote lamang ang enrollment sa mga lugar na nakasailalim sa ECQ at Modified Enhanced Community Quarantine para mamintina ang physical distancing habang ang mga nasa lugar na may maluwag na quarantine classification naman ay maaaring pisikal na magsumite ng Modified Learner Enrollment and Survey Form sa mga paaralan.
Ang mga itatalagang guro at non-teaching personnel sa mga paaralan para mangasiwa sa enrollment ay kailangan na bakunado at maaari rin na mag-organisa ng dropbox enrollment method kapareho ng ginawa noong nakaraang school year.
Para naman sa enrollment ng mga mag-aaral sa Grades 1-6, 8-10, at Grade 12, isasagawa ang remote enrollemnt procedure kung saan tatawagan na lamang ng mga advisers ang mga magulang para sa enrollment o maaaring ang magulang ang kumontak sa adviser ng kanilang anak.
Inaabisuhan naman ang mga magulang ng mga estudyante na mag-i-enroll sa kindergarten, Grades 7 at Grade 11 na makipag-ugnayan sa paaralan na may option na magpa-enroll sa pamamagitan ng digital o physical enrollment platform.
Para naman sa mga transferees, kailangan na direktang tumawag sa kanilang lilipatang eskwelahan.
Magsisimula ang enrollment period sa August 16 hanggang September 13 na unang araw ng klase na inaprubahan ng Pangulong Duterte. (with reports from Bombo Everly Rico)