Mariing tinutulan ng Department of Education (DepEd) ang isinusulong ng ilang sektor na academic freeze ngayong school year sa gitna ng nagpapatuloy na coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay DepEd Usec. Tonisito Umali, sakaling tuluyang kanselahin ang pasukan ngayong school year ay mababakante at wala nang gagawin ang mga estudyante.
Nanindigan si Umali na may matututunan pa rin ang mga mag-aaral kahit na iba’t iba ang sistema ng pagtuturo gaya ng online at modular learning.
“Posibleng naninibago pa ang karamihan… kung kaagad na academic freeze ang gagawin natin eh baka mabigat naman po ito masyado,” wika ni Umali sa isang panayam.
Sa pinakahuling datos mula sa kagawaran, umabot na sa mahigit 24-milyong mga estudyante na ang nag-enroll para sa nalalapit na school year na magbubukas sa Oktubre 5.
Kaugnay nito, maging ang Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) ay malamig din sa ideya ng academic freeze.
Sinabi ni Atty. Joseph Noel Estrada, managing director ng COCOPEA, kung ipatutupad ang academic freeze ay mahaharap sa mas malaking problema ang mga mag-aaral.
Hindi rin aniya matutumbasan ang mawawala sa mga magulang at estudyante kung kakanselahin ang pagbubukas ng klase.
Katwiran pa ni Estrada, nasa adjustment period pa ang lahat dahil sa health crisis ngunit naniniwala ang opisyal na magagawa itong malampasan.
“Halos isang buong taon ang nawala sa kanila equivalent sa kanilang pag-aaral so makikita mo talaga na kailangang maghabol at ‘di ‘to maso-solve lalo kung magkakaroon ng academic freeze,” ani Estrada.
Kung maaalala inilipat ng DepEd ang pagbubukas ng klase para sa darating na school year mula Agosto 24 patungo sa Oktubre 5.
Muli ring nangako si DepEd Sec. Leonor Briones na magbibigay ang kagawaran ng psychosocial support sa mga guro at mga school personnel sa harap ng pandemya.