-- Advertisements --
PALARO 2019 SWIMMING

Umaasa ang Department of Education (DepEd) na marami pang mga records ang mababasag ng mga atletang lalahok sa Palarong Pambansa 2019 sa lungsod ng Davao.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni DepEd Undersecretary at Palaro 2019 Secretary-General Revsee Escobedo, kada taon ay mas lalo raw humuhusay ang mga atletang dumadaan sa matinding pagsasanay.

Bagama’t hindi raw masasabi kung makakayang pantayan ang 40 records na nasira noong Palaro 2018 sa Ilocos Sur, kumpiyansa si Escobedo sa galing at abilidad ng mga student-athletes na sasabak sa iba’t ibang mga larangan ng palakasan.

Sa talumpati naman ni DepEd Usec. Tonisito Umali noong nakaraang taon, sinabi nito na posible umanong malaki ang naiambag ng suportang ipinakita ng pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Sur sa pagsasagawa ng naturang paligsahan.

Nakatulong din aniya ang maayos na sports facilities na siyang pinagdausan ng iba’t ibang events ng Palaro.

Muli ring ipinagmalaki ng opisyal na ang Palarong Pambansa 2018 ang siyang “best ever” sa kasaysayan ng bansa.