Pormal nang kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na ang lungsod ng Marikina na ang bagong host ng 2020 Palarong Pambansa matapos umatras ang orihinal na host na Occidental Mindoro.
Inanunsyo ni Palarong Pambansa secretary general at Deped Usec. Atty. Revsee Escobedo ang nasabing development sa pamamagitan ng opisyal na liham na inilabas kamakailan.
Nagpadala na rin ang DepEd ng isang team upang suriin ang mga sports facilities sa tinaguriang “Shoe Capital of the Philippines.”
Hiniling din ng kagawaran sa siyudad na magbigay ng listahan ng mga posibleng playing venues at billeting areas limang buwan bago mag-umpisa ang taunang Palaro.
Una rito, batay sa ulat, napilitan ang Occidental Mindoro na umurong dahil sa natamo nitong pinsala dulot ng Bagyong Tisoy.
Ayon kay Occidental Mindoro OIC Mario Mulingbayan, pumalo ng P800-milyon ang pinsala ng bagyo sa kanilang agricultural at fishing sector.
Ang lungsod ng Marikina ang ikaapat na siyudad sa Kalakhang Maynila na naging host ng Palarong Pambansa, sunod sa Maynila, Quezon City, at Pasig.