-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na patuloy nilang tinutugunan ang mga isyu upang mas mapaghusay pa ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Tugon ito ng ahensya matapos lumabas ang resulta ng isang pag-aaral kung saan nangulelat ang Pilipinas sa mga asignaturang mathematics at science para sa Grade 4.

Ayon kay DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, sinisikap ng kagawaran na maresolba ang mga factors na tinukoy sa 2018 World Development Report.

Paglalahad pa ni San Antonio, walang tigil ang gobyerno sa pagpondo sa mga educational facilities, at binago ang National Educators Academy of the Philippines para sa improvement ng teacher competencies sa pamamagitan ng mga training.

Kasabay nito, inihayag ng education official na kanila nang nirerepaso ang curriculum.

Una rito, sa pag-aaral na isinagawa ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS), nakakuha ng 297 sa math at 249 sa science na pinakamababa sa 58 bansa.

Samantala, sinabi ni San Antonio na kanila nang sini-streamline ang paglahok ng DepEd sa international large-scale assessments gaya ng Program for International Student Assessment (PISA) dahil sakop nito ang mga subject gaya ng math, science, at reading.