-- Advertisements --
Briones
DepEd Sec. Leonor Briones

Pahihintulutan na ng Department of Education (DepEd) ang mga pribadong paaralan sa buong bansa na simulan ang kanilang mga klase sa pagitan ng Hunyo hanggang Agosto.

Sa isang virtual press briefing, ipinaliwanag ni DepEd Sec. Leonor Briones na ang nasabing kautusan ay batay sa itinatakda ng batas kaugnay sa petsa ng pagbubukas ng klase.

“Because we have an existing law which states the first week of June up to last day of August will allow the opening of schools,” wika ni Briones.

Pero nilinaw ni Briones, bawal muna ang face-to-face classes hanggang bago mag-Agosto 24, na siyang opisyal na pagsisimula ng klase ng mga pampubliko at pribadong paaralan.

“Also, we emphasize that when we say schools will open on August 24, it does not mean all of these activities will be face-to-face activities,” dagdag nito.

“And from August 24, face-to-face learning shall only be allowed when the local risk severity grading permits, and subject to compliance with minimum health standards.”

Inihayag pa ng kalihim na dapat ay siguruhin ng pamunuan ng mga private schools na tatalima sila sa ipinapatupad na panuntunan ng Department of Health (DOH), partikular ang pagbabawal sa face-to-face interaction.

Una nang itinakda ng DepEd ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24, at magtatapos sa Abril 30, 2021.

Samantala, magpapatupad din ang ahensya ng iba’t ibang learning delivery options gaya ng face-to-face blended learnings, distance learnings, homeschooling at iba pang modes of delivery.

Ngunit ani Briones, nakadepende pa raw ito sa local COVID Risk Severity Classification at sa pagtalima sa minimum health standards.