Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na hindi na bibigyan ng periodic exam ang mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Paliwanag ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio, ang mga written outputs at performance tasks na lamang ang gagamitin para ma-assess ang kaalaman ng mga estudyante.
“Ang periodic test, 20 percent ng grade eh. Ang i-a-administer mo, isang araw lang. Ang feeling namin, that’s very unfair to the learner, lalo na ang mga learner ngayon, iba’t iba ang situwasyon,” wika ni San Antonio.
Maaari din aniyang magsulat ang mga bata ng mga natutunan sa leksyon o hindi kaya naman ay mag-record ng isang speech na nagpapaliwanag ng kanilang pag-unawa sa pinag-aralan.
“Kapag ganyan, nilalagay sa portfolio, iniipon ang proof [of] what they can do and understand,” ani San Antonio.
Posible rin aniyang malimitahan ang “distance cheating” kung tatanggalin ang periodic exams, lalo pa’t may ilang mga magulang o guardian na sila ang sumasagot sa mga activity sheet ng mga mag-aaral.
Ngunit paglilinaw ni San Antonio, ang mga private schools ay hindi obligado at “strongly encouraged” lamang na gayahin ang nasabing polisiya para sa school year.
Matatandaang noong Marso nang nagpasya ang DepEd na hindi na ituloy ang final exam para sa fourth quarter ng nakalipas na academic year matapos magsara ang mga paaralan bunsod ng health crisis.