-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nilinaw ng Department of Education (Deped) na maaari pa ring mag-imbita ang mga pampublikong paaralan ng mga pulitiko para sa mga completion o graduation ceremonies ngunit kinakailangan lamang siguruhin na hindi magagamit ang nasabing aktibidad sa pamumulitika ng mga ito.

Ito ay base umano sa patakaran ng kagawaran hinggil sa kung sino-sino ang mga pulitikong bibigyan ng pagkakataon upang makapagbigay ng mensahe sa mga nabanggit na okasyon.

Sa nasabing patakaran, tanging mga local chief executives lamang umano kagaya ng mga alkalde, gobernador at kongresista na sakop ng paaralan ang maaaring imbitahan sa mga graduation at completion ceremonies.

Ngunit, sinabi sa Bombo Radyo Vigan ni Deped Usec. Tonisito Umali na kung ang isang kandidato naman umano ay isang alumnus o alumna ng paaralang nag-imbita sa kaniya upang magbigay ng mensahe at inspirasyon sa mga magsisipagtapos na mag-aaral, pahihintulutan pa rin umano ito.

Pero aniya, dapat sumentro lamang ang kaniyang mensahe sa tema ng aktibidad at hindi nito maaaring samantalahin ang pagkakataon upang mangampanya.

Binigyang-diin ni Umali na kung mayroon man umanong makakalusot na kandidato o pulitiko na mangampanya sa mga nasabing aktibidad ng Deped ay ang principal ng paaralan umano ang mananagot rito.