Siniguro ng Department of Education (DepEd) na nakalatag ang mga hakbang upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19 sa mga paaralan maging sa kanilang mga lokal na opisina.
Sa gitna pa rin ito ng pagkabahala ng ilang grupo sa kalusugan at kaligtasan ng mga guro at non-teaching personnel sa harap ng nararanasang health crisis.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, ginagawa raw nila ang lahat upang maging ligtas ang mga teachers at kanilang mga kawani mula sa nakahahawang sakit.
Dagdag pa ng kalihim, hindi rin umano masyadong pinalalabas ang mga guro sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVOD-19 upang bumaba ang tsansa na dapuan sila ng virus.
“We are taking all the precautions to ensure the health and safety of our personnel, especially the teachers,” pagtitiyak ni Briones.
Kamakailan nang mag-isyu ang kagawaran ng Required Health Standards kung saan nakasaad ang ilang mga hakbang para sa COVID-19 mitigation sa eskwelahan at tanggapan.
Kasama na rito ang general health and safety protocols na dapat sundin ng mga mag-aaral, teachers, at kawani sakaling magpositibo sila sa sakit.
Maliban dito, naglabas na rin ang DepEd ng regional memoranda para sa pagpapalakas lalo ng COVID-19 response and management at ang implementasyon ng alternative work arrangements sa lahat ng antas.
Bumuo na rin ang ahensya ng contingency plan para sa COVID-19 pandemic at isinapinal na rin ang pagsasama ng COVID-19 protocols at iba pang health-related reminders sa package kits ng mga estudyante.