Nakasalalay na umano sa pamunuan ng mga eskwelahan ang pasya kung itutuloy nila ang pagdaraos ng graduation at moving-up ceremonies.
Pahayag ito ng Department of Education (DepEd) kaugnay sa ipinatutupad nilang mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, kung kaya naman daw ng mga paaralan na isagawa ang nasabing mga seremonya sang-ayon sa panuntunan ng Department of Health (DOH), wala naman umanong problema rito.
Dapat din aniyang magawan ng paraan ng mga school officials na limitahan ang bilang ng mga taong dadalo sa nasabing mga okasyon.
“Should the public health situation prevent the holding of the graduation and moving-up rites within the said week, the schools, in consultation with the PTA (Parents-Teachers Association) leadership, may choose to reschedule or forego the holding of graduation and moving up rites,” wika ni Briones.
Gayunman, sinabi ni Briones na puwede ring hindi na lamang ituloy ang graduation rites sakaling lumaki pa ang panganib na dulot ng coronavirus.
Batay sa kagawaran, mamimili ang mga eskwelahan sa mga petsa mula Abril 13 hanggang 17 kung kailan nila nais isagawa ang seremonya.
Habang ang huling araw ng pasok sa mga paaralan ay orihinal na naka-schedule sa Abril 3.
Samantala, hinimok din ng DepEd ang mga private schools sa basic education level na sundin ang guidelines na itinakda ng ahensya hanggang sa nalalabing bahagi ng school year.
Una nang umapela si Sen. Sherwin Gatchalian sa DepEd na ipagpaliban muna ang graduation rites ngayong school year bilang precautionary measure kontra sa COVID-19.