Siniguro ng Department of Education (DepEd) na sasailalim sa masusing proseso ang mga paaralan na nasa itinuturing na mga low-risk areas na interesadong magsagawa ng limited face-to-face classes.
Ayon kay DepEd Usec. Revsee Escobedo, kinakailangang tumalima ang nasabing mga eskwelahan sa napakahigpit na mga health protocols upang masiguro na walang mangyayaring hawaan ng COVID-19 sa mga estudyante, guro, maging sa mga staff ng paaralan.
Inilahad din ni Escobedo na dapat ay matiyak ng naturang mga paaralan na may sapat silang mga pasilidad gaya ng hand washing at isolation facilities.
Maliban dito, iginiit ng DepEd official na bago nila iprinisinta noong Lunes kay Pangulong Rodrigo Duterte ang proposal sa pagsasagawa ng limitadong face-to-face classes, dumaan muna ito sa samu’t saring konsultasyon sa kanilang mga stakeholders.
Una nang inihayag ng gobyerno na sa Enero pa ng susunod na taon papayagan ang pagsasagawa ng pisikal na klase sa mga paaralan sa buong bansa.
Ang physical classes sa ilang piling lugar sa bansa ay gagawin din daw ng isa o dalawang beses kada linggo lamang.
Samantala, muling nanindigan ang kagawaran na sa Agosto 24 pa rin ang school opening, kahit na nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang batas na maaari nang ilipat ang petsa ng pasukan.
Paliwanag ni Escobedo, katunayan ay may gagawing national dry run ang DepEd para masuri kung epektibo ang ipatutupad nilang blended learning.
Batay sa pinakahuling datos, nasa 22-milyon nang mga mag-aaral mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan ang nakapagpatala na para sa darating na school year.