Inaasahan na umano ng Department of Education (DepEd) ang posibleng migration o paglipat ng mga mag-aaral mula sa pribado patungo sa mga pampublikong paaralan dahil sa epekto ng coronavirus pandemic.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, bagama’t taun-taon naman itong naoobserbahan sa tuwing magbubukas ang school year, posibleng maging panibagong rason dito ang economic impact ng COVID-19, lalo na sa income o kinikita ng bawat pamilya.
“That happens every year – there’s migration of students from public schools and there are also students from private schools who transfer to public schools,” ani Briones. “This and that depends I think, I believe on the preference of parents and the availability of space.”
Ganito rin aniya ang isa sa mga naging obserbasyon ng Technical Working Group (TWG) ng National Economic and Development Authority (NEDA) kung saan ang posibleng paglipat ng mga estudyante sa mga public schools ay dulot ng epekto ng krisis sa ekonomiya.
Sinabi pa ng kalihim, ikokonsidera raw nila ang kapasidad ng mga pampublikong eskwelahan para sa pag-absorb ng mga lilipat na estudyante.
Kaugnay nito, inihayag ni DepEd Usec. Annalyn Sevilla, hihintayin daw nila ang resulta ng survey na isasagawa ng DepEd kasabay ng enrollment period sa susunod na buwan, na magiging krusyal sa paggawa ng kagawaran ng mga polisiya.
“We will wait for the result of the survey because it’s important for us to know if there’s a possible migration of the private school students to the public – that is our expectation but, we still don’t know what will happen,” pahayag ni Sevilla.
Una nang naghayag ng pagkabahala ang Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) na marami raw na mga private schools ang nasa bingit na ng pagsasara dahil sa pagkakahinto ng kanilang operasyon bunsod ng COVID-19 crisis.
Sa ginanap na virtual Senate hearing noong Mayo 14, inilahad ni COCOPEA managing director Joseph Noel Estrada na nakatakda raw na bumaba ng hanggang 50% ang enrollmen rate para sa private schools sa gitna na rin ng health crisis.
Tinataya ring nasa 2-milyong mag-aaral ang inaasahang aalis sa mga private schools lalo pa’t naghahanda rin ang mga pamilyang Pilipino sa epekto ng coronavirus sa ekonomiya.