-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Education (DepEd) tungkol sa mga email na nag-aalok ng luma at hindi otorisadong learning materials.

Sa isang pahayag, sinabi ni DepEd USec. Alain Pascua na nakatanggap daw ang ahensya ng ulat tungkol sa mga “chain emails” na naglalaman ng link sa mga learning materials, na umano’y galing sa kagawaran o sa kanilang online platform na DepEd Commons.

“Do not be hoodwinked by these emails purporting to be helping for a cause but are in fact misleading,” saad ni Pascua. “Upon review, the materials do not conform to DepEd’s Most Essential Learning Competencies.”

Ang learning competencies ay tumutukoy sa kaalaman at kasanayang kailangang ipamalas ng isang mag-aaral sa bawat aralin o aktibidad.

Una nang iginiit ng DepEd na libre ang lahat ng mga otorisado at may kalidad na materyales na ia-upload sa DepEd Commons.

Dagdag ni Pascua, sa oras na matukoy at matunton ang mga nasa likod ng mga chail emails ay kanila itong kakasuhan.

Nagbabala na rin ang ahensya laban sa ipinagbabawal na pagbebenta ng kanilang mga libreng learning materials, maging sa mga grupo at indibidwal na nagpapabayad para sa dapat sana’y libreng webinars.