-- Advertisements --

Naglaan ng humigit-kumulang isang bilyong piso ang Department of Education (DepEd) bilang support funds para sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones na ito ay bilang paghahanda ng kagawaran para sa mas dumarami pang mga paaralan na nakatakdang lumahok sa progressive expansion ng limitadong face-to-face classes sa bansa.

Iniulat naman ni Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla na ang kagawaran ay naghanda ng pondo para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) sa pagpapatupad ng safety measures laban sa COVID-19 sa mga paaralan at makapagbigay ng mga learning materirals para sa blended learning ng mga mag-aaral.

Ang naturang budget ay ipammahagi sa lahat ng mga public schools na maaaring gamitin para magkaroon ng mga telebisyon, speakers, at laptop ang mga silid-aralan para suportahan ang blended learning ng naturang expansion phase ng isinasagawang in-person classes sa bansa.

Samantala, muli namang binigyang-diin ni Secretary Briones na hindi ibig sabihin ng programang progressive face-to-face classes ng kagawaran ay iiwanan na aniya ang konsepto ng blended learning.

Magugunita na noong Marso 1 ay iniulat ng DepEd na mayroong 4,295 na paaralan sa 6,213 na mga eskwelahan ang nagpapatupad na ng limitadong face-to-face classes sa buong bansa.