Naglabas ang Department of Education ng ilang mga gabay hinggil sa alternatibong uniporme na maaaring isuot ng mga guro lalo na at nakararanas ngayon ang bansa ng matinding init na panahon.
Ayon sa kagawaran, ang nasabing uniporme ay ang mga polo na dati na rin namang ginagamit ng mga teaching at non-teaching personnel tuwing may mga event at iba’t ibang aktibidad gaya ng, ‘brigada eskwela’, ‘palarong pambasa’ at tuwing may mga division at regional school conferences ang mga paaralan.
Ang mga ito ay maari raw i-terno sa iba’t ibang pants gaya ng slacks, jeans o cargo pants ngunit mariing ipinagbabawal ng ahensya ang pagsusuot ng mga guro ng leggings at maging ang jogging pants.
Samantala, nagbabala naman ang state weather bureau na asahan na tatagal pa ang nararamdamang init ng panahon sa mga susunod pang araw kung kaya’t magdoble ingat pa rin at magsuot ng mga light-colored na damit, magdala ng pamaypay at panatilihin ang sarili na hydrated upang maiwasan ang heat exhaustion o heat stroke.