Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa mga paaralan na iwasan ang anumang partisan political activities sa pagdaraos ng graduation at moving-up ceremonies para sa school year (SY) 2024-2025.
Sa Department Memorandum No. 27 s. 2025 na inisyu ni Education Sec. Sonny Angara, pinaalalahanan ang lahat ng mga opisyal ng kagawaran, teaching at non-teaching personnel, na ipinagbabawalan sila mula sa pagsasagawa ng political activities salig sa mga umiiral na polisiya.
Binigyang diin din ng ahensiya na dapat gawing simple subalit makabuluhan ang graduation at moving-up ceremonies nang hindi gumugugol ng labis na pondo, magarbong kasuotan o venues.
Gayundin, pinagbabawalan ang DepEd personnel na mangolekta ng anumang uri ng kontribusyon o fee para sa nasabing mga seremoniya. Lahat aniya ng mga kahalintulad na gastusin ay dapat na nakasama sa maintenance and other operating expenses (MOOE) ng eskwelahan.
Inabisuhan din ang mga paaralan na magsagawa ng end-of-school-year rites sa indoor venues na may maayos na bentilasyon o covered courts para maiwasang malantad sa matinding init ng panahon para maiwasang ma-reschedule ang mga aktibidad sa panahong mataas ang temperatura.
Samantala, nagpaabot naman ng pagbati si Education Sec. Angara sa lahat ng mga magsisipagtapos ngayong School year 2024-2025.