Maaaring suspindihin ng mga paaralan ang face-to-face classes at lumipat sa modular distance learning dahil sa matinding init at pagkawala ng kuryente na nararanasan sa ilang bahagi ng bansa, paalala ng Department of Education (DepEd) sa mga school head nitong Linggo.
Nagpaalala si Michael Poa, tagapagsalita ng DepEd sa mga private at public school heads sa kanilang awtoridad at responsibilidad na suspindihin ang mga personal na klase at lumipat sa alternative delivery modes (ADM) sa oras na napakataas na temperatura na maaaring makaapekto sa pag-aaral sa silid-aralan at ilagay sa panganib ang kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral.
“Iba-iba po kasi ang sitwasyon ng ating mga paaralan. Kaya school heads po ang magde-determine. Ayaw rin po nating makaapekto sa kalusugan ng ating mga learners ang napakainit na panahon, kaya po pinaalalahanan natin ang mga school head na maaari silang mag-switch agad sa ADMs,” Ayon kay Poa.