-- Advertisements --
image 587

Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Education sa ginawang surprise fire drill sa isang paaralan sa Cabuyao City, Laguna na nagresulta sa mahigit 100 estudyante na naospital dahil sa dehydration at gutom.

Sinabi ng mga opisyal ng pamahalaan na hindi umano nakipag-coordinate ang paaralan sa mga Local Government Units para sa isinigawang fire drill.

Ayon sa City School Division ng Cabuyao City (SDO), dalawang estudyante ang nananatiling naka-confine sa Cabuyao City Hospital matapos ang insidente.

Idinagdag ng School Division ng lugar, 79 na mga mag-aaral ang na-discharge na at ngayon ay nasa stable ng kondisyon.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DepEd sa lokal na pamahalaan para magbigay ng tulong pinansyal sa mga nagkasakit sa isinagawang fire drill.

Kung matatandaan, ang Gulod National High School – Mamatid Extension ay nagsagawa ng fire drill kamakailan na kung saan humigit-kumulang 3,000 na mga mag-aaral ang natipon bandang tanghali at sinabihan silang tumuloy sa isang open evacuation area bandang 2:30 na ng hapon.

Nasa 39 hanggang 42 degrees Celsius ang heat index sa lungsod mula ala-1 ng hapon hanggang alas-3 ng hapon.

Una nang ipinag-utos ni Cabuyao Mayor Dennis Hain ang pansamantalang pagsususpinde ng mga fire drill para sa mga pampubliko at pribadong paaralan.