-- Advertisements --

LA UNION – Aminado si DepEd Sec. Leonor Briones na bagamat patuloy ang mga hamon na hatid ng Covid-19, tuloy din ang ginagawang pagresponde ng ahensiya para labanan ang matinding epekto ng pandemya at hindi makumpromiso ang sistema ng edukasyon sa bansa.

Bagamat sabik na ang departamento na magsagawa ng face-to-face classes sa mga piling lugar sa bansa, kailangan ng ibayong pag-iingat at hindi basta lulusob, lalo na at wala pang dumarating na bakuna laban sa nakamamatay na sakit.

Sa isinagawang Edukasyon Press Conference na pinangunahan ng DepEd Region 1 kahapon, Pebreo 25 sa pamamagitan ng zoom, na dinaluhan mismo ni Briones kasama ang ilang mga mamamahayag sa rehiyon uno, sinabi ng sekretaryo na patuloy ang ginagawang paghahanda ng kanyang opisina para sa pagpapatupad ng limited face-to-face classes sa mga susunod na araw.

Hinggil dito, nagtakda ang DepEd ng apat na kondisyon para sa mga low risk areas ng Covid 19 na posibleng magsagawa ng limited face-to-face classes.

Kabilang sa mga kondisyon na inilatag: pagsasagawa muna ng pilot testing ng face-to-face classes sa low risk areas, kailangan ng pahintulot ng mga LGUs para sa limited face-to-face classes, kailangan ng written consent mula sa mga magulang na pinahihintulutan ang mga anak na dumalo sa face to face classes, at kinakailangan nakahanda ang mga pasilidad sa paaralan na sumunod sa mga health protocols na ipinatupad ng Dept. of Health.

Dagdag pa ng sekretaryo na kahit nakahanda na ang DepEd para sa nasabing layunin, si Pangulong Rodrigo Duterte pa rin ang ‘final say’ o magdedesisyon kung papayagan nang ipatupad ang face-to-face classes sa bansa.