-- Advertisements --

Nangako ang Department of Education (DepEd) na makatatanggap ng tulong ang mga guro at kawani nilang nasalanta ng mga nagdaang bagyo.

Sa isang pahayag, sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones na kanya nang inatasan ang lahat ng mga field offices na isumite ang listahan ng pangalan ng mga teachers at personnel na lubos na naapektuhan ng mga bagyo at pagbaha.

Mayroon din aniyang calamity loan para sa mga miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) at iba pang mga private lending institutions.

Aniya, ilalabas na rin daw ng DepEd ang year-end bonus na katumbas ng isang buwang sahod at P5,000 na cash gift.

“The Department will also provide provident fund emergency loans to the teaching and non-teaching personnel who were affected by the recent typhoons,” dagdag nito.

Para naman sa nasirang mga modules, maglalabas ng karagdagang pondo ang DepEd para sa reproduction o replacement ng mga ito.

May ipamamahagi ring mga hygiene kits at may isasagawa rin aniyang clean-up drive at psychosocial first aid apara sa mga naapektuhang paaralan.

Ayon kay Briones, prayoridad ng kagawaran ang mga guro at mag-aaral sa muling pagbangon ng edukasyon sa harap ng kalamidad at pandemya.