Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na ang lahat ng mga school-based organization, kabilabg na ang Parents-Teachers Association (PTA) ay napapailalim sa kanilang patakaran at ipinagbabawal na makisali sa anumang partisan political activity sa loob ng school premises.
Sinabi ito ng DepEd matapos ang naging campaign rally ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Guimbal Stadium sa Iloilo City na sinasabing pribado umanong pag-aari ito ng PTA ng Guimbal National High School na nakansela naman matapos ang mga reklamo ng paggamit ng pampublikong pasilidad para sa isang election campaign.
Sa isang statement ay sinabi ng kagawaran na ang PTAs ay required na sumunod sa lahat ng ipinapairal na polisiya at implementing guidelines, alinsunod sa inilabas nitong DepEd Order No. 54 series of 2019.
Nakasaad sa naturang department oder na ang PTA ay magsisilbing support group at isang significat partner ng paaralan na ang ugnayan ay tutukuyin ng kooperatiba at open dialogue sa stakeholders nito upang itaguyod ang kapakanan ng mga mag-aaral.
Nakasalig din sa naturang kautusan na kinakailangang magkaroon muna ng prior consultation at approval ng school head ang lahat ng mga aktibidad ng PTA sa loob ng premises ng paaralan o kung sangkot man ang paaralan, school personnel, o mga mag-aaral.
Dahil dito ay pinagpapaliwanag ngayon ng DepEd regional office ang mga awtoridad ng naturang paaralan.
Samantala, sinabi naman ni 1st District Rep. Janette Garin na ang naturang pasilidad ay pag-aari ng PTA ng paaralan, na aniya’y isang private entity.
Idinagdag din niya na ang kanyang asawa ang nag-asikaso ng event, at hindi ang punong-guro ng paaralan, at ang kampo ng Marcos ay nagpasya aniya na kanselahin ito.