Binigyang linaw ng Department of Education (DepEd) ang isang kumakalat na larawan ng isang DepEd module na humihiling sa mga mag-aaral na maghanap at mag-interview ng isang tao mula sa panahon ng mga Espanyol.
Sa inilabas na pahayag ng kagawaran ay sinabi nito na matapos itong sumailalim sa verification ng DepEd Error Watch ay napag-alaman na ang nasabing module ay hindi mula o gawa ng ahensya.
Hindi rin anila ito sumailalim sa anumang pagsusuri ng alinmang opisina o tanggapan DepEd.
Tiniyak naman ng kagawaran na kasalukuyan na silang gumagawa ng kaukulang imbestigasyon ukol dito.
Patuloy din ang kanilang pakikipag-ugnayan sa lahat ng mga concerned offices upang malaman ang pinagmulan ng nasabing module.
Samantala, muli namang pinaalalahanan ng DepEd ang publiko na palaging maging mapanuri sa mga fake news at iba pang unverified information na kumakalat online.
Nanawagan din ang kagawaran sa mga magulang at iba pang stakeholders na agad na makipag-uganyan sa kanilang mga paaralan upang idulog ang mga isyu patungkol sa mga learning modules.
Maaari ring makipag-ugnayan ang mga ito sa DepEd Error Watch sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa text, email, at online.
Ang DepEd Error Watch ay isang inisyatiba na inilunsad ng kagawaran (DepEd) noong Oktubre noong nakaraang taon na layunin na subaybayan at bigyang aksyon ang mga concerns sa mga module na ginagamit sa pag-aaral ng mga mag-aaral.