Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi mandatoryo sa mga pribadong paaralan na magbago ng school calendar.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary Francis Bringas na mayroong option ang mga private schools na kasabay ng public schools na nagbukas ng klase noong Agosto, na panatilihin ang kanilang aprubadong school calendar o unti-unting pagbabalik ng June-March school year.
Ginawa ng DepEd official ang naturang paglilinaw kasunod ng issuance ng Department Order 003 na nagtatakda sa pagtatapos ng school year 2023-2024 para sa pampublikong paaralan nang mas maaga kesa sa Mayo 31 ng 2024.
Ito ay para sa unti-unting pagbabalik na ng dating school calendar na April-May bilang summer vacation.
Nakatakda namang magsimula ang school year 2024-2025 sa pampublikong paaralan sa July 29, 2024 at magtatapos sa May 16, 2025.
Nangangahulugan ito na ang school break para ngayong taon ay mula June 1 hanggang July 28 kabilang ang weekends.
Inaasahan naman na maibabalik na ang June-March school calendar sa SY 2026-2027 kung saan ang school break ay sa unang linggo ng Abril.