Iginiit ng Department of Education (DepEd) na wala pa silang nabubuong pasya kaugnay sa sinasabing mass testing para sa coronavirus disease 2012 (COVID-19) sa mga eskwelahan sa bansa.
Ayon kay DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan, magkakaroon daw ng testing protocol na tatalima sa ipinatutupad na mga health standards, ngunit kailangan daw na maging maingat sa pagtukoy sa kahulugan ng mass testing.
“It might be misinterpreted as testing all, which may be neither affordable nor needed,” pahayag ni Malaluan.
Una rito, sinabi ni DepEd Usec. Revsee Escobedo, pinag-aaralan daw ng kagawaran kung kakayanin ang pagsasagawa ng mass testing sa mga paaralan.
Aminado naman si Escobedo na maaring maging magastos ang ganitong pamamaraan bunsod ng iba pang nakakahalubilo ng mga estudyante, mga guro at iba pang mga nagtatrabaho sa mga eskwelahan.
Nauna nang inanunsyo ng DepEd na ipinagbabawal ang pagsasagawa ng face-to-face learning habang hindi pa pormal na nagbubukas ang klase, na mangyayari lamang sa Agosto 24.