-- Advertisements --
image 10

Nilnaw ng Department of Education (DepEd) na hindi na kailangan pang mag-attend ng online classes ng mga estudyante kung sinuspendi na ang kanilang in-person classes dahil sa masamang lagay ng panahon.

Ito ang paglilinaw ni DepEd spokesperson Undersecretary Michael Poa matapos na batikusin ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang desisyon ng ahensiya na magsagawa pa rin ng online classes sa gitna ng kalamidad na una ng tinawag ng grupo na hindi makatarungan at insensitibo sa sitwasyon ng mga mag-aaral at kanilang pamilya.

Paliwanag pa ng DepEd official na sa oras na nagsuspendi na ng on-site classes, suspendido na rin ang online classes kayat wala aniyang pinapa-online classes sa kasagsagan ng bagyo alinsunod sa DepEd Order 37.

Aniya, para hindi magkaroon ng online disruption, iswiswitch ang mga mag-aaral sa tinatawag na alternative delivery modes kabilang na ang pagsagot sa modules subalit hindi aniya pipilitin ang mga mag-aaral na tapusin ang mga ito lalo na kapag hindi na nila kaya dahil nga sa epekto ng bagyo dahil prayoridad pa rin ang kapakanan at kaligtasan ng mga guro at mag-aaral.

Pinaalala din ng DepEd na mayroong awtoridad ang mga pampublikong paaralan na mag-switch o lumipat ng learning modes mula sa on-site classes sa alternative learning methods depende sa assessment sa kanilang sitwasyon.