Dahil sa mataas na temperaturang nararanasan ng bansa, pinahihintulutan ng Department of Education ang mga teaching at non-teaching personnel nito na magsuot ng alternate uniforms.
NGunit nilinaw ng kagawaran na wala silang partikular na kulay na ipinag-uutos na suotin ng mga guro at iba pang empleyado.
Ayon kay DepEd Undersecretary Michael Poa, kahit anong DepEd collared shirt na mayroon ang mga guro na dati ng nagamit sa iba’t ibang aktibidad ng kagawaran katulad ng Palaro at Brigada Eskwela ay maaari umanong gamitin ng mga guro.
Sa unang post kasi ng kagawaran ay makikita ang kulay pula at green na collared polo shirt na umani naman ng sari-saring reaksiyon sa social media dahil mainit umano ang ganitong kulay at kahalintulad umano ito ng campaign colors ng nakaraang eleksiyon.
Sa bagong anunsiyong inilabas ng DepEd online, klinaro nito na maaaring gumamit ang DepEd personnel ng kahit na anong kulay ng collared DepEd polo shirt o ‘di kaya’y white polo shirt na may DepEd at MATATAG logo.
Paalala rin ng kagawaran na ipares ang kanilang pantaas sa matte black pants gaya ng slacks, jeans, at cargo pants at sumunod sa mahalagang panuntunan ng Civil Service Commission kung saan ang leggings, tights, at jogging pants ay ipinagbabawal.