Umaabot sa mahigit 800,000 public school teachers ang kinakailangan pa umanong sanayin ng Department of Education (DepEd) para sa distance learning.
Sa isang pagdinig sa Senado, sinabi ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio na umaasa silang mabibigyan na nila ng karampatang training ang nalalabing 69% ng mga guro sa darating na Hulyo.
“Binibigyan ng pagsasanay na ito, na hawak ng National Educators Academy of the Philippines, ang mga guro upang i-convert materials into e-books or into other digital formats,” wika ni San Antonio.
Ayon pa sa opisyal, nagpapatuloy ang iba pang mga hakbang para sanayin ang mga guro para sa new normal.
“There are also local initiatives from the division offices, regional offices, where the teachers are also being given training activities,” dagdag nito.
Samantala, inihayag naman ni DepEd Usec. Tonisito Umali, posibleng sa susunod na buwan na masimulan ang printing ng self-learning modules para sa mga mag-aaral.
“Printing of materials usually takes 30 to 60 days, including delivery,” ani Umali.
Tiniyak naman nitong handa na ang mga aralin para sa unang quarter ng School Year 2020-2021.
“Unang markahan nakakasa na po iyan. ‘Yun naman po ang mahalaga eh, ang first batch ng learning modules handa by August 24. Kasi we’re contextualizing po ang aming mga materyales ngayon na nakadisenyo,” anang opisyal.