Dumistansya ang Department of Education(DepEd) sa kontrobersyal na aklat ni dating Education Secretary at Vice President Sara Duterte na tinawag na ‘Isang Kaibigan’.
Ayon kay DepEd Undersecretary Gina Gonong, nakita na lamang ng mga DepEd personnel ang naturang aklat noong mismong araw ng launching.
Kwento ni Gonong, naimbitahan si VP Sara bilang isa sa mga reading ambassador para magbasa ng kwento para sa mga bata. Ang bawat ambassador aniya ay may karapatang piliin ang anumang aklat na kanilang nais basahin para sa mga bata, basta’t ang mga ito ay akma sa kanilang edad.
Dito, ayon kay Usec. Gonong, ay binasa ng dating kalihim ang kaniyang mismong kwento (aklat).
Ayon pa kay Gonong, dahil walang kinalaman ang DepEd sa naturang aklat, hindi ito dumaan sa quality assurance o nakakuha ng accreditation mula sa ahensiya.
Ayon naman kay DepEd Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara, wala ding official record na nagsasabi kung binayaran ang mga illustrator ng aklat.
Ang ‘Isang Kaibigan’ na aklat ni VP Sara ay unang naungkat sa ginawang pagdinig ng Senado sa budget proposal ng Office of the Vice President para sa taong 2025. Humihiling ang OVP ng P10 million para sa paglilimbag rito.