-- Advertisements --

Positibo pa rin ang Department of Education (DepEd) na madaragdagan pa ang bilang ng mga mag-e-enroll para ngayong school year kasabay ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya ng bansa.

“With the opening of economy, with economic recovery, sigurado kami na tataas ang enrollment sa DepEd,” wika ni DepEd Sec. Leonor Briones.

Batay sa pinakahuling datos mula sa kagawaran, umabot na sa 24.7-milyong mga mag-aaral na ang nagpatala sa mga pampubliko at pribadong paaralan para sa school year 2020 to 2021.

Sa nasabing bilang, 22.1-milyon ang nag-enroll sa mga public schools, 2.1-milyon sa mga private schools, habang nasa halos 400,000 naman ang nagpatala sa alternative learning system ng DepEd para sa out-of-school youth.

“Dahil unti unti nang binubuksan ang ating ekonomiya, magkakaroon ng ng trabaho ang mga parents, makabalik sila sa gawain nila at makayanan na nila mapagaral ang kanilang mga anak,” ani Briones.

“With the opening of the economy, yung workers na nagaaral sa gabi, nag-aaral during weekend, ‘pag nakabalik sila ng trabaho, balik eskwela din sila,” dagdag nito.

Ayon sa DepEd, tatanggap sila ng mga late enrollees hanggang Nobyembre 21.