Tuloy-tuloy lamang daw ang ginagawang mga preparasyon ng Department of Education (DepEd) para sa posibleng limited-face-to-face classes sa mga lugar na itinuturing na may mababang risk ng COVID-19 transmission.
Ito’y kahit na muling inihayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pa rin nito papayagan ang pagbabalik ng in-person schooling sa buong bansa kahit na dumating na sa bansa ang mga inaabangang bakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay DepEd Usec. Diosdado San Antonio, ipatutupad nila ang pasyang ito ng Pangulong Duterte pero tuloy lamang ang kanilang paghahanda para sa oras na payagan na ang face-to-face schooling ay wala nang gaanong problema.
Binigyang-diin din ni San Antonio na ang face-to-face classes ay dapat na responsibilidad hindi lamang ng DepEd kundi pati na rin ng mga lokal na opisyal at iba pang mga stakeholders.
Sakali namang bigyan na ng go signal, inilahad ng opisyal na pinag-aaralan nila ang posibilidad na gawin lamang 15 estudyante ang ilalagay sa kada classroom.
Ipatutupad din aniya ang mahigpit na health protocols sa loob ng silid-aralan gaya ng pagsusuot ng face mask at pagsunod sa physical distancing.
Una rito, sinabi ng Pangulong Duterte na ayaw niya munang payagan ang pagsasagawa ng limited-face-to-face classes dahil hindi nito ibig na ilagay sa peligro ang buhay ng mga kabataan.
“I am not ready to lose the lives of our young people,” wika ni Duterte.
Noong Oktubre nang magsimula ang pasok sa mga public schools sa ilalim ng distance learning set-up bunsod ng nagpapatuloy na bansa ng coronavirus pandemic.
Sa ilalim ng sistema ng blended learning, nag-aaral ang mga bata sa pamamagitan ng printed modules, online learning, at television o radio-based instruction.