-- Advertisements --

Binabalak ng Department of Education (DepEd) na simulan ang pagsasaayos ng mga paaralang sinira ng mga nagdaang bagyo sa Enero ng susunod na taon.

Ayon kay Education Undersecretary Alain Pascua, naglilibot ang mga engineers ng DepEd sa mga lugar sa Timog Katagalugan at sa Bicol Region upang i-assess ang pinsalang natamo ng mga eskwelahan mula sa mga bagyong Rolly at Quinta.

“Binigyan natin sila (engineers) ng deadline na dapat by November 30, tapos na ang program of works ng mga eskuwelahan na na-damage para nang sa ganoon, mabigyan natin agad ng pondo,” wika ni Pascua.

“Pagdating ng January, puwede na tayong makapagsagawa agad ng reconstruction, whether i-repair ba ‘yan or tuluyan nang i-demolish, o mas maayos o mas magandang design,” dagdag nito.

Sinabi rin ni Pascua na pinag-aaralan ng kagawaran ang posibilidad ng paglalagay ng storm protection para sa mga bintana ng mga gusali ng paaralan, lalo sa mga lalawigang dinaanan ng mga nakalipas na sama ng panahon.

Balak din aniya ng DepEd na gawing mas matibay ang kisame ng mga school buildings.

Sa pinakahuling datos, umabot sa nasa 226 na mga paaralan ang napinsala mula sa malalakas na hangin at ulan na dala ng Super Typhoon Rolly.