-- Advertisements --

Hihingi muna umano ng permiso ang Department of Education (DepEd) kay Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa posibilidad ng pagsasagawa ng pisikal na klase sa mga lugar na walang naitalang kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Una rito, iminungkahi ni Pasig City Rep. Roman Romulo na payagan na sana ng gobyerno ang face-to-face classes sa mga liblib na isla at mga probinsya.

Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, sa oras na pagbigyan ng Pangulong Duterte ang nasabing mungkahi, kinakailangan pa ring sumunod ng mga paaralan sa ipinatutupad na health standards.

Kailangan din aniyang masuri ang laki ng mga silid-aralan, kung makakaya ba ng mga ito ang isa hanggang dalawang metrong physical distancing ng mga estudyante.

“Kung papayag ang Presidente na magkaroon ng face-to-face sa mga lugar na ito ay titingnan namin ang kondisyon ng mga classrooms. ‘Yung size ng classrooms, halimbawa, p’wede ba ‘yung 1 to 2 meters na espasyo sa mga bata para may social distancing? Mayroon bang available na PPEs at emergency medicines? At [mayroon bang] rules of hygiene [katulad ng] handwashing facilities?” wika ni Briones.

Inihayag din ng kalihim na maging ang mga paaralan na nasa lugar na may naitalang COVID-19 cases ay kanila ring titingnan kung makakaya ng mga ito na ipatupad ang mga health protocols.

Layon aniya ng kagawaran na matiyak at mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante at maging ng mga guro.

“Ang bottomline is to safeguard the health and safety of our teachers and learners,” ani Briones.

Sa impormasyon mula sa Department of Health, ilan sa mga lalawigang wala pa ring naitatalang kaso ng nakahahawang sakit ang Siquijor, Kalinga, at Mountain Province.