CAGAYAN DE ORO CITY – Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na walang katotohanan ang kumakalat na report na pinapatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang K-12 program ng kanilang ahensiya.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni DepEd regional director Dr. Arturo Bayucot na isang magandang programa ng gobyerno ang K-12 program kung kaya’t walang basehan upang ito’y ipahinto.
Dahil dito, nanawagan si Bayucot sa publiko na huwag paniwalaan ang nasabing report lalo pa’t hindi ito nagmula sa DepEd.
Napag-alaman taong 2013, pinirmahan ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang Republic Act 10533 na magdadagdag ng dalawa pang taon sa basic education sa Pilipinas.
Sa bagong batas, mababago ang basic education program sa bansa isang taon sa Kindergarten, anim na taon sa primary school, apat na taon sa junior high school, at dalawang taon sa senior high school.
Kasama rin dito ang pagpatutupad ng mother-tongue-based multilingual education program, o ang paggamit ng wikang kinagisnan sa pagtuturo sa mga mag-aaral ng Grade 1 hanggang 3.