Binabalak ng Department of Education (DepEd) na humingi ng tulong sa mga private publishers upang mag-imprenta ng mga learning resources na gagamitin para sa ikatlo at ikaapat na quarter ng kasalukuyang school year.
Ayon kay DepEd Usec. Diosdado San Antonio, ang pag-outsource sa serbisyo ay magpapagaan sa trabaho ng mga kawani ng ahensya at magamit din nang husto ang suporta mula sa pribadong sektor.
“Ang Quarters 3 and 4 learning resources, we hope to source out from private publishers para naman po ma-reduce na rin ang trabaho ng mga kasama namin. At the same time ma-maximize ‘yung contribution ng private sector sa ating mga ginagawa,” wika ni San Antonio.
Maliban dito, sinabi pa ng opisyal na patuloy ang distribusyon ng mga local government units ng mga gadgets sa mga estudyante para sa distance learning.
Bunsod nito, inihayag ni San Antonio na hindi na rin masyadong dedepende ang mga mag-aaral sa mga printed self-learning modules.
“We will upskill, capacitate our fellow teachers and tap the resources of all partners,” dagdag nito.
Para sa unang dalawang linggo ng first academic quarter noong Oktubre, sinabi ng DepEd na ang kabuuang bilang ng mga naipamahagi nilang self-learning modules ay umabot na sa mahigit kalahating bilyon.
Nasa 59% naman ng 22-milyong estudyante na nag-enroll sa mga pampublikong paaralan ang mas pinabuiran ang paggamit ng mga printed lessons.
Samantala, naabot umano ng mga estudyante ang inaasahang performance sa distance learning sa unang quarter ng academic year.
Kasabay nito, pinabulaanan din ni San Antonio ang ilang mga reports na may mga estudyante sa modular learning ang bigong makapagsumite ng mga school requirements.
“There are also people saying there are also learners not being able to submit the requirements. But when we requested the regional directors to make a report, the data that have been submitted to us generally indicate the learners are able to carry out the activities expected of them for the first quarter,” ani San Antonio.
Noong Disyembre, sinabi ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC) na bumababa raw ang bilang ng mga mag-aaral na lumalahok sa online at modular classes.
Kamakailan lamang din nang manawagan ang Philippine Business for Education (PBEd) sa gobyerno, academe, at civil society na magtulungan sa pagtugon sa umano’y “learning crisis” na nangyayari sa bansa.