-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na maaari pa rin umanong magpatupad ng pagtaas ng matrikula at iba pang mga fees ang mga private schools para sa darating na school year.

Ayon kay DepEd Undersecretary at Spokesperson Atty. Nepomuceno Malaluan, wala raw itong problema basta’t nakapagsumite ang mga private schools ng kinakailangang mga dokumento, at aprubado ng kanilang mga regional offices.

“The process will not be different from the existing process where schools have to apply for tuition fee increase,” wika ni Malaluan.

Sinabi pa ni Malaluan, sa usapin naman ng pagtataas ng tuition fee, nanggagaling sa DepEd Central Office ang polisiya ngunit sa regional level ang implementasyon nito.

“They have to justify the increase including its allocation,” dagdag nito.

Sa hiwalay na pahayag, iginiit ni DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio na nananatiling libre ang edukasyon sa mga pampublikong paaralan.

“For private schools, as has been the practice, we [respect] their right to determine their respective tuition rates,” ani San Antonio.

Tumutugon din naman aniya ang karamihan sa mga private schools sa naunang apela ng DepEd na maging “lenient” o maunawain pagdating sa pangongolekta ng matrikula at iba pang mga bayarin sa eskwelahan.

Katwiran pa ni San Antonio, batid din ng mga private schools na sa oras na taasan nila ang tuition fee, kakaunti ang kanilang mga enrollees.

Batay sa umiiral na polisiya sa tuition increase, inoobliga ng DepEd ang mga private schools na nais taasan ang matrikula na magsumite ng kinakailangang dokumento na nagpapatunay na may nangyaring konsultasyon sa kanilang mga stakeholders.