Nakatakdang repasuhin ng Department of Education (DepEd) ang implementing rules and regulations (IRR) ng Anti-Bullying Act of 2013 para paigtingon ang kampaniya laban sa mga insidente ng bullying.
Sa isang statement ngayong Biyernes, sinabi ni DepEd Sec. Sonny Angara na ang naturang batas ay hindi pa ganap na naipapatupad sa lahat ng pampublikong mga paaralan sa buong bansa.
Kaugnay nito, nakatakdang makipagtulungan ang ahensiya sa Second Congressional on Education (EDCOM II) sa pagrepaso ng IRR na inaasahang makukumpleto bago mag-umpisa ang academic year 2025-2026.
Layunin din ng pag-aaral sa IRR na matiyak na alinsunod ito sa umiiral na batas.
Sinabi din ng kalihim na kanilang pinaprayoridad ang pagbibigay ng karagdagang guidance counselor positions para matiyak ang kaukulang tulong sa pagtugon sa mga hamon may kinalaman sa bullying.