-- Advertisements --

Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa mga guro sa pampublikong paaralan na walang agarang pangangailangan sa pagbili ng mga gadgets gaya ng laptop.

Marami kasing mga guro ang nagkukumahog na makabili ng kinakailangang mga gadgets bilang paghahanda sa blended learning na ipatutupad sa darating na school opening sa Agosto 24.

Sa isang pahayag, sinabi ni DepEd Usec. Alain Pascua na bagama’t isa ang online learning sa mga gagamiting pamamaraan ng pagtuturo sa pasukan, hindi lang naman daw ito lamang ang opsyon.

“The beauty of our approach is that we have options available for everyone. Hindi lamang para sa may laptop, o may cellphone ang bagong school year,” wika ni Pascua.

Sa kabila nito, batid naman daw ng kagawaran ang importansya ng pagkakaroon ng tamang mga kagamitan na magagamit ng mga teachers.

Kaya naman, inihayag ni Pascua na sinisikap ng DepEd na maibigay agad sa mga public school teachers ang mga laptop at kinakailangan nilang mga equipment.

Paglalahad pa ng opisyal, noon pang Abril ay nag-isyu na ng memorandum ang kanyang tanggapan kung saan pinapayagan ang mga school head na maglabas o magpahiram ng equipment sa kanilang mga guro.

Ani Pascua, sa ilalim ng Digital Rise Program, kumikilos ang DepEd na malaanan ang mga paaralan ng kanilang pangangailangan para sa mga pampublikong guro.

“How can we expect teachers to teach our learners about technology when they do not have the right equipment to do so? We are now trying to fast track our Digital Rise Program, in line with the President’s direction to move towards online and digital learning,” anang opisyal.