-- Advertisements --

Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa mga local government units na hanggang sa katapusan na lang ng Hunyo nila magagamit ang mga paaralan bilang mga quarantine facility para sa mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay DepEd Usec. Jesus Mateo, kinakailangan pang sumailalim sa disinfection ng mga eskwelahan para magamit naman sa nalalapit na pasukan sa Agosto.

“As much as possible, before the end of the month or middle of the month, hindi na natin pahihintulutan sila kasi siyempre kailangan nating iprepara ‘yong ating mga paaralan,” wika ni Mateo.

Pinapahintulutan din ang mga school heads na hilingin sa ilang mga guro na lumahok sa disinfection ng mga eskwelahan, ngunit dapat pa ring tumalima sa minimum health standards.

“Baka i-allow natin ‘yong iba pero hindi full force,” anang opisyal.

Kaugnay nito, inihayag ni Mateo na interesado rin daw ang ilang mga non-government organizations na tulungan ang kagawaran sa paglilinis sa mga paaralan.

Nakatakdang magpatupad ng iba’t ibang alternatibong paraan ng pagtuturo ang DepEd, lalo pa’t hindi muna puwede sa ngayon ang face-to-face approach bilang pag-iingat sa COVID-19.