Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa mga magulang na hindi nila kinakailangang magtungo sa mga paaralan sa Hunyo 1 para i-enroll ang kanilang mga anak.
Ayon kay DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan, hiniling nila sa mga paaralan na sila na mismo ang makipag-ugnayan sa mga estudyante ukol sa alituntunin para sa registration at enrollment para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease.
Hintayin na lamang aniya ang tawag mula sa mga eskwelahan para masimulan ang proseso.
Sa panig naman ni Education Sec. Leonor Briones, nasa 1.4-milyon nang mga mag-aaral ang nakapagtala mula noong buwan ng Enero.
Nasa magulang na rin aniya ang pasya kung kanilang ipapatala ang kanilang mga anak para sa papalapit na school year.
“We try to give them as much information as possible, so they will be in a better position to decide,” wika ni Briones.
Naghahanda na rin aniya ang DepEd ng iba’t ibang mga opsyon para sa pag-usad ng school year kahit hindi kinakailangang magtungo sa mga paaralan ang mga estudyante.
Kabilang sa mga inilalatag ng ahensya na alternatibo para sa distance learning ang paggamit sa mga printed modules, at paghahatid ng educational content sa pamamagitan ng teknolohiya, gaya ng internet, telebisyon, o radyo.
“Parents will decide whether they will keep their children for several months – maybe 10 months at the very least – or take advantage or utilize the various options that DepEd is offering so that education of the children can continue,” ani Briones.