-- Advertisements --

Nakatakda umanong maglabas ang Department of Education (DepEd) ngayong linggo ng mga standards kaugnay sa mga dapat na bilhing gadgets na gagamitin ng mga mag-aaral para sa ipatutupad na blended learning.

Marami na kasing mga magulang ang nagkukumahog sa pagbili ng mga gadgets para magamit ng kanilang mga anak sa darating na pasukan.

Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, dapat ay pasok sa ilalabas nilang panuntunan ang mga device na gagamitin ng mga bata para sa kanilang pag-aaral.

Kaya naman, sinabi ni Briones ay hindi na dapat munang bumili ang mga magulang ng gadgets at hintayin muna ang ilalabas na panuntunan.

Binigyang-diin din ng kalihim na dahil sa pandemya, posibleng samantalahin ng mga negosyante ang pagkakataon para magbenta ng murang mga gadgets.

“But we don’t want na they would get the cheapest or whatever,” ani Briones sa isang panayam. “Gusto natin yung nagko-comply sa standards ng DepEd at yung capacity makaka-absorb, makaka-record, kung ano-ano mga functions na naiha-handle.”

Sa kabila nito, nilinaw ng opisyal na isa lamang ang gadgets sa mga maaaring gamiting approach para sa blended learning.

Ipinaliwanag ni Briones na maaari ring gamitin ang cellphone at iba pang posibleng means.

Samantala, siniguro din ng kalihim na mabibigyan din ng mga gadgets ang mga guro na magagamit nila sa kanilang trabaho.