-- Advertisements --

Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa mga pribadong eskwelahan na kailangan muna nilang hingin ang pahintulot ng mga magulang bago ipatupad ang pagtataas sa matrikula at miscellaneous fees.

Ayon kay DepEd Usec. Jesus Mateo, batay sa kanilang panuntunan, kung itataas ang tuition fee, dapat mapupunta ang 70% nito sa sahod ng mga guro.

“Pero ang sabi natin sa private schools po, mag-submit muna po kayo ng inyong learning continuity plan. ‘Yung inyong proposal ay ayon dapat sa pag-uusap ninyo sa mga magulang, sa consultation,” wika ni Mateo.

Katwiran ng opisyal, maaaring magtaas ng bayarin ang ilang pribadong learning institutions para mapigilan ang tuluyang pagsasara nito.

“Kailangan balansehin natin ang interes ng mga magulang at interes ng mga empleyado sa mga pribadong paaralan kasi may pamilya rin po iyan eh,” giit ng opisyal.

“‘Yung mga private school rin, nangangailangan din ng tulong. ‘Yun lang ang pamamaraan nila para matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga guro at kanilang mga non-teaching staff,” ani Mateo.

Handa naman din aniya ang DepEd na tanggapin ang mga transferee mula sa mga pribadong paaralan sakaling hindi na kayang bayaran ng pamilya ng mga ito ang tuition at iba pang bayarin.

“Kung hindi talaga kakayanin, mas lalo na ang mga OFW, pwede po silang mag-transfer sa public schools po. Handa naman tayo diyan.”

Sa datos ng Coordinating Council for Private Educational Associations of the Philippines, aabot sa 4-milyon mula sa kabuuang 27-milyong basic education learners sa bansa ang nakatala sa mga pribadong eskwelahan.

Ngunit 2-milyon umano rito ang inaasahang ililipat sa mga pampublikong paaralan dahil sa epekto ng COVID-19 sa ekonomiya.