Umaasa ang Department of Education (DepEd) na hindi masyadong dedepende sa printed modules ang mga paaralan bilang paraan sa paghahatid ng mga lesson sa mga estudyante.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, bagama’t kinikilala nila ang paggamit ng printed na self-learning modules na magagamit ng mga mag-aaral na hindi maka-access sa digital modules o makadalo sa online classes, hindi raw dapat ito ang maging permanenteng sitwasyon.
Paliwanag pa ni Briones, maliban sa mahal ay may negatibo ring epekto sa kalikasan ang paggamit ng mga modules.
“May implikasyon kasi ang dependence sa modular learning dahil baka uubusin natin ‘yong mga puno natin sa kaka-produce [ng learning modules]. ‘Yong demand for paper [is high],” wika ni Briones.
“In the long run… talagang mas expensive ang modular,” dagdag nito.
Dagdag pa ng kalihim, dapat na magkaroon ng hakbang para maipakilala sa mga kabataan ang paggamit ng teknolohiya sa pag-aaral upang hindi mapag-iwanan ang mga Pilipinong estudyante.
“Nakakatulong talaga ‘yong mayroon nang exposure at may karanasan ang kabataan natin sa online at saka sa technology,” ani Briones.
Batay sa isinagawang survey ng DepEd, mas nais ng mga magulang ang modular learning bilang distance learning modality na gagamitin ng kanilang mga anak sa pasukan.