-- Advertisements --

Suspendido na ang mga klase sa lahat ng level at trabaho sa mga public schools sa mga lugar na itinaas ang public storm signals, rainfall at flood warnings ng Pagasa.

Base sa Department of Education order (DO) 37 na pirmado ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, nakasaad ditong sakaling mayroong mga bagyo ang mga klase ay suspendido na kapag nag-isyu ang Pagasa ng Tropical Cyclone Wind Signals (TCWS) 1, 2 ,3, 4 o 5.

Kasama na rin dito ang mga mga paaralang matatagpuan sa mga lugar na isinailalim sa Yellow, Orange o Red Rainfall Warning o Flood Warning ng weather bureau.

Kapag ang TCWS, Rainfall Warning o Flood Warning ay inisyu kapag nagsimula na ang klase, minamandato naman ng DepEd na dapat ay agad kanselahin ng mga paaralan ang klase at trabaho at pabalikin na sa kanilang mga bahay sakaling ligtas pang makakauwi ang mga ito.

Pero obligado naman ang mga paaralan na hindi muna pauwiin ang mga estudyante at staff kapag hindi na ligtas bumiyahe.

Ang mga local chief executives na rin ang magdedesisyuon kung magpapatupad ang mga ito ng suspensiyon ng klase sakaling nakararanas ang kanilang lugar ng malakas na hangin, torrential rains at pagbaha sa ilang lugar o sa lahat ng area ng LGU na hindi naman kasali sa Pagasa warning.

Mayroon naman umanong option ang mga private schools, community learning centers, state and local universities and colleges (SUCs/LUCs) kung susundin nila o hindi ang nakasaad sa provisions ng nasabing DO.

Sakali namang mayroong lindol, nakasaad sa DO na ang mga klase sa lahat ng lebel ay otomatiko nang kanselado sa mga lugar na idineklara ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na mayroong Phivolcs Earthquake Intensity Scale (PHEIS) V at pataas.

Pero nasa local chief executives na rin daw ang desisyon kung magkakansela ang mga ito ng klase sa mga kasong pas mababa sa Phivolcs Earthquake Intensity Scale (PHEIS) V ang naranasang lindol.

Ang mga school principals ay puwede rin umanong magkansela ng mga klase kapag sa kanilang assessment ay may dulot na panganib ang mga school buildings at iba pang mga gusali na ito ay gumuho o mayroong major damage.

Sinabi ng DepEd na sa tuwing magkakaroon ng class suspension dahil sa naturang mga kalamidad ay ipatutupad naman ang distance learning o make up classes para masiguro par in ang learning competencies at makakamit o maaabot pa rin ang kanilang objectives.

Ang mga estudyante ring hindi makakadalo sa learning activities dahil sa naturang mga kalamidad ay kailangang mabigyan ng konsiderasyon sa completion ng kanilang learning tasks.